KAWIT, Cavite — Pinuna ng Commission on Audit (COA) ang lokal na pamahalaan ng Kawit dahil hindi nagamit ang P13.2 milyong pondo para sa sakuna mula 2020 hanggang 2022, na dapat sana’y nagastos para sa disaster preparedness at risk reduction programs.
Sa ulat ng COA para sa 2023, ang pondong ito ay nanatili sa Special Trust Fund at hindi isinama sa plano ng bayan para sa paggamit ng Local Disaster Risk Reduction and Management Fund (LDRRMF). Dahil dito, walang bahagi ng halaga ang nagamit noong 2023, taliwas sa itinakdang panuntunan.
Ayon sa COA Circular No. 2012-002, dapat gamitin ang natirang pondo sa loob ng limang taon para sa mga proyekto ng paghahanda sa sakuna. Ang Local Disaster Risk Reduction and Management Council (LDRRMC) ng bayan ang may tungkuling magplano ng tamang paggamit nito.
Bukod dito, ayon sa panuntunan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), Department of Budget and Management (DBM), at Department of the Interior and Local Government (DILG), maaari lamang gamitin ang naipong pondo kung aaprubahan ito ng lokal na konseho at ng alkalde sa pamamagitan ng isang binagong Annual Investment Plan (AIP).
Noong 2023, may kabuuang P41.3 milyong pondo para sa sakuna ang bayan, kung saan P34.4 milyon ang nagamit at may natirang P6.8 milyon. Gayunpaman, hindi pa rin nagalaw ang P13.2 milyong pondo mula 2020 hanggang 2022.
Wala pang pahayag ang lokal na pamahalaan sa ilalim ni Mayor Angelo Aguinaldo kaugnay ng ulat ng COA.

You must be logged in to post a comment.