MRT-3 LEGACY: MAS PINABILIS AT MAS PINALAMIG NA MRT-3

Magkakambal na problema ang usad-pagong na bilis, at mistulang pugon na init na mga tren ng MRT-3 noon. Tumatakbo lamang sa bilis na 30kph ang mga tren, minsan ay mas mababa pa, at kahindik-hindik na init ang kailangang tiisin ng mga pasahero dahil sa mga air conditioning units na kundi luma ay depektibo na. May mga pagkakataon ding nakakaranas ng mga tumutulong bagon ang mga komyuter.

Ang napabayaang estado ng MRT-3, buong loob na hinarap ng naupong pamunuan ng linya at Kagawaran ng Transportasyon sa pangunguna ni Sec. Art Tugade. Ang legasiya ngayong iiwan ng malawakang rehabilitasyon ng MRT-3: mas mabilis at malamig na biyahe ng mga tren.

Sa ilalim ng malawakang rehabilitasyon ng MRT-3, pinalitan ng bago ang lahat ng mga air conditioning units ng mga bagon, na may kabuuang bilang na 216 units. Ang resulta, mas malamig, mas hayahay, mas komportableng biyahe ng mga pasahero.

At noong Disyembre 2020, makasaysayang naibalik ng pamunuan sa operating speed na 60kph ang bilis ng mga tren–halos pitong taon mula nang huling tumakbo ang mga ito sa ganitong bilis.

Bunsod nito, naibaba sa 4.5 hanggang 5 minuto ang headway o oras sa pagitan ng mga tren, mula sa dating 8.5 hanggang 9 na minuto. Gayundin, mas napabilis ang biyahe ng mga pasahero mula North Avenue station hanggang Taft Avenue station mula 1 oras at 15 minuto tungong 45 hanggang 50 minuto na lamang.

Sa ngayon, sinisiguro ang maayos at regular na pagmimintina ng mga bagon kasama ang mga air conditioning units, at mga riles ng MRT-3, upang masigurong hindi na muling babalik sa dating estado nito ang linya. Sa halip, tuloy-tuloy na sa pag-unlad sa serbisyo ang MRT-3, at sa paghahatid ng mabilis, malamig, at komportableng biyahe sa pasaherong Pilipino.